the break-up diaries: day 3 and 4
Nagdesisyon na ang Supreme Court. Sa karaniwang eksena, ang hukom ang nagbibigay ng hatol sa nasasakdal. Ngunit sa pagkakataong ito, ang hukom ang mapaparusahan. Kasama ng nasasakdal, pareho silang tatanggap ng sakit at paghihirap. Hindi na nagawang maghintay ng nasasakdal. Inunahan na niya ang pagbibigay ng desisyon. Wala nang nagawa ang hukom kundi ang sumang-ayon kahit na alam niyang hindi iyon ang dapat na naging kalabasan. Ngunit ano pang magagawa? Tinanggap na ng nasasakdal ang kaparusahang akala niya’y nararapat sa kanya.
Hindi alam ng hukom ang iisipin at gagawin. Hindi alam kung magagawa pa bang ibahin ang naging hatol. Kung nakinig lamang ang mapagmataas na hukom, disin sana’y maisasalba pa ang isang bagay na matagal na nilang pinakaiingatan. Ngunit matigas ang hukom, naging bulag sa galit at pagkamakasarili. Nanatiling sarado ang utak at puso. Sa umpisa pa lamang, ayaw nang makinig at umasa sa mga pangako ng nasasakdal.
Sa isang madilim na sulok nahihimlay ang pusong nalulungkot. Hindi alam ang gagawin, hindi alam ang sasabihin. Ang tanging nararamdaman ay pagod at takot. Nagising na ang puso mula sa matagal na pagkakahimbing, natapos ang mahabang panaginip at ngayo’y puno na nang pait…
July 31, 2008